Pinalubog ang lumang bayan ng Pantabangan noong unang bahagi ng dekada ’70 upang bigyang-daan ang pagpapagawa ng kilalang dam, sanhi nito ay nilipat ang buong bayan sa isang mataas na pook. Tuwing dumarating ang panahon ng tagtuyot, kasabay ng pagbaba ng lebel ng tubig, ay muling lumilitaw ang lumang bayan ng Pantabangan. Bunga ng pangyayaring ito, dinaragsa ng mga turista ang nakaraa’y tahimik na bayan upang masilayan ang labi ng mga istruktura na minsan ay bumuo dito, tulad ng munisipyo, paaralan, sementeryo, mga kabahayan, at ng simbahang pinagawa ng mga Pransiskanong misyonero noong panahon ng Kastila. Isasalarawan ng pagbabahaging ito ang mga naiwang bakas ng lumang bayan ng Pantabangan sa layuning mabuksan ang higit pang pag-aaral sa larangan ng arkeolohiya at kasaysayan para sa mga uri ng site na may nakaambang banta na tuluyan nang mabura sa gunita.